Lebel ng tubig sa mga dam bahagyang tumaas dahil sa mga pag-ulan

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2020 09:52 AM


MAYNILA— Bahagyang nadagdagan ang lebel ng tubig ng Angat Dam at iba pang dam sa Luzon dahil sa mga pag-ulan.

Sa pagmo-monitor ng PAGASA Hydrometeorology Division, bahagyang tumaas ang antas ng tubig ng Angat Dam na nasa 178.47 meters alas-6:00 ng umaga ngayong Sabado.

Mas mataas ito sa antas nito nitong Biyernes na 178.37 meters.

Nakatulong anila ang mga naranasang pag-ulan noong mga nakaraang araw, pero malayo pa rin ito sa minimum operating level nito na 180 meters.

Nadagdagan din ang lebel ng tubig ng La Mesa Dam na nasa 79.16 meters, mas mataas sa lebel nito Biyernes na 79.10 meters.

Bahagya ring tumaas ang antas ng tubig ng Ambuklao, Binga, San Roque, Pantabangan at Magat dam.

Nabawasan naman ang water level ng Ipo at Caliraya dam.

Inanunsyo Biyernes ng PAGASA na maaaring maranasan ang mas madalas na pag-ulan mula ngayong buwan dahil sa La Niña.