Halos 100 katao, kabilang ilang Chinese, timbog sa mga club sa Pasay

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2020 05:52 AM

MAYNILA - Halos 100 katao sa dalawang club sa Pasay ang hinuli ng mga pulis dahil umano sa paglabag sa mga health protocol sa gitna ng pandemya. 

Sinalakay ng Southern Police District Intelligence Division, Pasay police at iba pang units ng SPD ang 2 magkatabing club o high-end KTV bar sa Pasay nitong Biyernes.

Nakatanggap ng tip ang mga awtoridad na bukas ang mga club kahit lagpas na sa curfew at hindi na umano nasusunod ang physical distancing sa loob. 

Nag-iinuman ang mga customer at dikit-dikit na sa isa't isa. Wala rin suot na face mask o face shield ang mga tao. 

Karamihan sa mga customer ay mga Chinese at marami rin Pinoy na staff, kabilang ang mga babaeng tinawag na Customer Care Assistance. 

Sa kabuuan, 97 ang mga hinuli. Karamihan ay mga empleyado kagaya ng waiter at security guard, pero timbog din ang 27 na mga dayuhang customer. 

Nakuha sa mga customer ang higit P700,000. Dinala sila sa Pasay City Police Station. 

Una nang nagbabala ang ang Joint Task Force Covid Shield na bawal pa rin ang mga beer houses at mga bar sa mga lugar sa general community quarantine lalo na kung hindi rin nasusunod ang mga health protocol.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.