Biniyayaan ng bagong laptop ang college student sa Iloilo City na nag-viral ang kuwento matapos na tatlong bato ang matanggap imbes na ang laptop na binili niya sa isang online store.
Ibinigay ngayong Sabado sa 20 anyos na si Arthur Baylon ang bagong gadget na may kasamang headset.
Nagpasalamat si Baylon sa video na ipinadala sa mga donor.
Ayon kay Edison "Bong" Nebrija, ang EDSA traffic chief ng Metropolitan Manila Development Authority, pinag-ambagan nila ito ng mga kaibigan na sina Presidential Anti-Corruption Commission Commissioner Greco Belgica at negosyanteng si Gabriel Go.
Pinabili na lang nila ang laptop sa isang kakilala sa Iloilo.
"Sana it will help him in his quest to finish his studies. We just really appreciate how resolved he is to finish his studies," sinabi ni Nebrija sa ABS-CBN News.
"That resolve na no matter what kahit mahirap, kahit pandemya, nandoon 'yung resolve niya na matapos ang pag-aaral niya and he will do anything to do that. Ayun nga, na-take advantage pa, naloko pa, and all that. So, all that we could do, the least that we could do is to help him."
Maraming naawa sa sinapit ni Baylon, isang 3rd year hospitality management student sa Western Visayas State University nang makatanggap siya ng 3 bato sa kahon ng laptop na binili niya online.
Galing ang pinambiling P22,000 sa ipon nila ng kaniyang magulang na mangingisda sa Guimaras.
Nagpaalala ang Department of Trade and Industry na mag-ingat sa pagbili ng gadget sa mga online store kasunod nito.
Sabi ni Baylon sa ABS-CBN News, ibinalik ng online seller ang perang pinambili niya at ginamit na niya para um-order ng panibagong laptop.
Ipinangako sa kaniya ng online shopping platform na sisilipin nila ang laman ng package na ipadadala sa kaniya para hindi na siya maloko ulit.
Kapag makuha ang panibagong laptop, ibibigay na lang niya ito sa kamag-anak na nangangailangan din nito.
online scam, online shopping, Arthur Baylon, Iloilo City, good news, Bong Nebrija, Greco Belgica