‘Walang laman, sustansiya’: P39/araw na food budget ng mga preso pinuna

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2019 06:29 PM | Updated as of Oct 03 2019 08:05 PM

Pinuna nitong Miyerkoles sa Senado ang umano’y anomalya sa pagpapakain sa mga bilanggo sa Bilibid, sa pagsiwalat ng isang caterer na aabot sa P39 kada araw ang inilaang budget ng preso sa pagkain kada araw. 

Mas kaunti ito sa nakalaang budget na P60 kada araw para sa mga preso alinsunod sa 2018 National Budget. 

Naungkat ang isyu sa gitna ng pagdinig ng gobyerno ukol sa kontrobersiyal na pag-compute sa good conduct time allowance (GCTA.)

Ayon kay Angeline Bautista, may-ari ng catering service, nakuha niya ang kontrata na mag-supply ng pagkain para sa Correctional Institute for Women noong 2018 matapos mag-bid ng P39 na budget sa pagkain kada preso sa loob ng buong araw.

Kinuwestiyon ni Sen. Panfilo "Ping" Lacson kung saan napunta ang P21 iba pang inilaan para sa pagkain ng mga preso. 

"Bakit papakainin mo ang preso ng P39 kung ang budget na binibigay is P60, at least nung 2018? Saan napunta ang balanse?" ani Lacson. 

Aabot aniya sa P1.029 bilyon dapat ang budget ng BuCor sa 2018 para mapakain ang aabot sa 47,000 inmates sa kanilang pasilidad. 

Ayon sa mga caterer, nakalaan ang nalalabing P21 sa ibang aktibidad na nilalahukan ng mga preso sa pasilidad. 

Pero ayon kay Lacson, maituturing itong technical malversation. 

"Hindi niyo ipapakain ang P60 tapos ang balanse na P21 gagamitin niyo sa ibang paraan?” ani Lacson. 

Sa pagdinig, umalma rin si Geoffrey Gamboa, isang preso sa New Bilibid Prison, sa pangit umanong kalidad ng pagkain na ibinibigay sa mga inmate. 

"Sa totoo lang, puro sabaw, walang laman, at walang lasa kaya namamatay ang preso dahil walang bitaminang kinakain," pahayag ni Gamboa sa pagdinig. 

Isiniwalat din ni Bautista na kinuha niya ang serbisyo ni BuCor Legal Division Chief Fredric Anthony Santos sa halagang P50,000 kapalit ng pagpapanortaryo nito. 

Alam kasi umano niya na maimpluwensiya si Santos bilang miyembro ng Bids and Awards Committee ng ahensiya. 

Bagay ito na kinuwestiyon ni Lacson at ng ilan pang mga senador. Pero depensa ni Santos, awtorisado siyang magpanotaryo. 

Depensa naman ng BuCor na ibinabalik naman daw sa National Treasury ang naiiwang budget. -- May ulat ni Zandro Ochona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.