Pulis at kapatid ng police official, arestado sa Davao City buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2019 05:09 AM

Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

DAVAO CITY—Arestado ang isang pulis at kapatid ng isang police official sa buy-bust operation sa Inigo St., Obrero, Davao City Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang pulis na si Police Staff Sgt. Elcelito Macarandan Colita na nakatalaga sa Marilog Police Station. 

Kapatid naman ng isang police official sa Davao City Police Office (DCPO) ang isa pang suspek.

Nakumpiska sa 2 suspek ang 8 sachet ng hinihinalang shabu na may halagang P10,500.

Ayon kay Police Regional Office (PRO) Davao Region director Marcelo Morales, resulta ito ng mas pinaigting na kampanya kontra police scalawags.

"Hindi talaga sila tatantanan hanggat hindi sila nahuhuli," aniya.

Kinumpiska rin ang issued firearm ni Colita habang nakuhanan naman ng hindi lisensiyadong baril ang isang suspek.

Ayon naman kay Police Col. Alexander Tagum, director ng DCPO, posibleng aalisin sa puwesto ang station commander ni Colita dahil sa command responsibility.

Mare-relieve rin sa puwesto ang police official ng DCPO na kapatid ng isang suspek.

"Dapat siya na ang gumawa ng paraan upang mapigilan ang kaniyang kapatid sa pagkakasangkot sa droga," ani Tagum.

Pinabulaanan naman ng mga hinuli na sangkot sila sa pagtutulak.

Mahaharap sa mga kasong administratibo at kriminal si Colita habang sasampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang isang suspek.—Ulat ni Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.