Mag-ina patay, 7 iba pa sugatan sa salpukan ng tricycle at pick-up truck

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2019 08:16 PM

KORONADAL CITY - Dalawa ang patay habang pito ang sugatan, kabilang ang dalawang bata, sa aksidente sa Purok Mesias, Barangay Paraiso sa lungsod pasado alas-9 ng umaga nitong Huwebes.

Kinilala ng Traffic Section ng Koronadal City Police Station ang mga namatay na sina Lucita Etchona, 75, at anak nitong si Ronnie, 35.

Isang 5 anyos na lalaki naman ang nasa kritikal na kondisyon dahil sa tinamo nitong pinsala sa ulo, samantalang ligtas na ang anim na iba pang mga biktima.

Batay sa imbestigasyon ni Police Senior Master Sergeant James Gervacio, sakay ng isang tricycle na minamaneho ni Reminito Diego Jr. ang mga biktima. 

Nagmula sila sa siyudad at papunta sa bayan ng Norala. Pumutok ang unahang gulong ng tricycle, kaya nawalan ng kontrol sa manibela ang drayber. 

Napunta sa kabilang lane ang tricycle at tiyempo ang pagdaan ng pick up truck na minamaneho ni Ennis Cris Yap. Pinilit pa umanong umiwas ng pick-up pero tuloy-tuloy ang tricycle sa pagbangga sa sasakyan.

Tumangging magbigay ng pahayag ang driver ng pick-up, na nakikipag-usap na sa pamilya para magkaareglo na sila.

Itinuturing na accident prone area ang pinangyarihan ng disgrasya kaya laging pinag-iingat ng awtoridad ang mga bumibiyahe doon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.