Lalaking nanlaban umano sa Davao City buy-bust, patay

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2019 05:22 AM

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

DAVAO CITY—Patay ang isang 26 anyos na lalaki sa buy-bust operation sa Barangay Agdao, Davao City Miyerkoles ng gabi.

Nagpaputok umano ang suspek nang mapansing pulis ang kaniyang katransaksiyon.

Nakuha sa kaniya ang 5 sachet ng hinihinalang shabu at isang kalibre .35 na baril.

Nakulong na dati ang suspek dahil sa kaso ng droga at nakalaya dahil sa plea bargaining agreement.

Itinuturing din siyang number 1 sa drug watch list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Davao Region at Davao City Police Office (DCPO).

Mariin naman itong pinabulaanan ng tiyahin ng suspek. Diretso aniyang pumasok sa kuwarto ang mga pulis habang natutulog ang kaniyang pamangkin.

"Mahimbing ang tulog niya. Paglabas ko, umupo ako, pumasok ang mga pulis. Nagtinginan pa kami. Hinawakan ako ng isang pulis kasi hindi ako puwedeng sumunod sa kanila. Ayon, may putukan na," aniya.

Giit naman ng mga pulis, lehitimo ang kanilang operasyon.—Ulat ni Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.