Klase sa Mapua, kanselado dahil sa bomb scare

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2019 09:53 AM | Updated as of Oct 03 2019 11:19 AM

MAYNILA (UPDATE) - Muling sinuspinde ng Mapua University ang klase sa kanilang campus sa Intramuros, Maynila nitong Huwebes matapos makatanggap ng panibagong bomb threat.

Inabisuhan ng paaralan ang kanilang mga estudyante at empleyado na agad lisanin ang kanilang Intramuros campus para masiguro ang kaligtasan ng lahat.

Gayunman, lahat ng klase ay isasagawa online.

"Classes are suspended due to a reported bomb threat. Students and employees are required to vacate the Intramuros campus now. However, today will be considered as a DIGITAL DAY. All classes will be conducted online," ayon sa Mapua.

Sa isang pahayag, sinabi ng unibersidad na walang nahanap na explosive o hazardous materials ang Philippine National Police sa Intramuros campus.

Noong Setyembre 19, nakatanggap ng magkasunod na bomb threat ang Mapua Intramuros at Makati

Sa imbestigasyon ng pulisya, nag-negatibo sa bomba ang 2 campus at napag-alamang nataon ang mga bomb scare sa examination week ng mga mag-aaral. --Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.