Mocha Uson nagbitiw bilang PCOO assistant secretary

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2018 10:51 AM | Updated as of Oct 03 2018 08:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagbitiw nitong Miyerkoles bilang assistant secretary ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) si Margaux "Mocha" Uson dahil sa umano'y panggigipit ng ilang mambabatas sa pondo ng ahensiya.

"Ako na po ang magsasakripisyo para maipasa na ang budget ng PCOO. Ako ay nagdesisyon na mag-resign na po," sabi ni Uson sa pagdinig ng Senado sa pondo ng PCOO.

Ipinagpaliban ng Kamara ang pagtalakay sa pondo ng PCOO dahil sa hindi pagdalo ni Uson sa mga pagdinig.

Pero sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Uson na hindi siya nakadalo sa pagdinig sa Kamara dahil dumalo siya sa United Nations General Assembly.

Kinumpirma naman ni Special Assistant to the President Christopher "Bong" Go na tinanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang resignation ni Uson, na isa sa mga tagasuporta ni Duterte mula pa noong panahon ng pangangampanya nito.

Nanindigan naman si Uson laban sa kaniyang mga kritiko na hindi pa tapos ang kaniyang "laban."

"'Wag kayo magkakamaling isipin na nagtagumpay kayo. Hindi ako nagbitiw sa posisyon dahil takot akong harapin kayo. Gusto ko lang na pag nagharap tayo ay patas ang laban," ani Uson.

Binatikos din ni Uson ang ilang mambabatas dahil sa umano ay pamomolitika nila sa pagdinig sa mga pondo ng ilang ahensiya ng gobyerno.

"Kayong ilang mga mambabatas ay gingamit ang posisyon upang takutin ang ilang ahensiya ng gobyerno na hindi sumasakay sa inyong pansariling agenda," aniya.

TATAKBO SA HALALAN?

Sa isang ambush interview sa Senado matapos ihayag ang kaniyang resignation, sinabi rin ni Uson na bukas siya sa posibilidad na tumakbo sa halalan sa susunod na taon.

Depende raw ito sa pulso ng kaniyang mga tagasuporta.

"Kung ano po ang mababasa kong comment sa Facebook, 'yong sinasabi ng supporters doon, doon ko po titingnan," sabi ni Uson, na may limang milyong tagasunod sa kaniyang Facebook page na "Mocha Uson Blog."

"Senator, Congress—hindi ko po alam pero open po tayo," dagdag niya.

MGA KRITIKO, KAALYADO, NAGSALITA 

Nagsalita na rin ang mga kritiko at kaalyado ni Uson kasunod ng kaniyang pagbibitiw. 

"I wish her the best. I will miss her, but she did make it clear na ipagpapatuloy niya ang advocacy. Lagot po sila lahat kay Mocha," ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Iginagalang naman daw ni Davao City Mayor Sara Duterte ang desisyon ni Uson. 

"We support her kung [ano] man ang [kaniyang] desisyon with regard to her service in the government and we are very thankful to her for her continued support sa administration ni President Duterte," aniya. 

Pumalag naman si Senador Nancy Binay sa mga paratang ni Uson tungkol sa kaniyang mga kritiko. 

"She has the freedom to do that for as long as no government funds are being spent sa gagawin niyang pag-atake," aniya. 

Pero ayon kay Senador Risa Hontiveros, huli na raw ang naging desisyon ni Uson. 

"Itong resignation niya is too little too late," aniya. 

TAGASUPORTA NG PANGULO, KARERA SA GOBYERNO

Watch more in iWant or TFC.tv

Nanguna ang Facebook page ni Uson sa pangangampaniya para kay Duterte noong halalan 2016 halalan. 

Pero kahit pa nanalo si Duterte ay nagpatuloy ang page sa paglalabas ng mga komento ukol sa politika at iba pang mga pangyayari sa bansa.

Enero 2017 noong makatanggap si Uson ng opisyal na pagtatalaga sa gobyerno bilang board member ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), ang opisinang nangangasiwa sa mga pinapalabas sa mga sinehan at telebisyon. 

Itinalaga naman siya bilang assistant secretary ng PCOO noong Mayo 2017.

Nasangkot kamakailan si Uson sa mga kontrobersiya dahil sa mga video tampok ang malaswa umanong pagsayaw at pag-awit ukol sa pederalismo, at umano ay pagmamaliit sa deaf community.

-- May ulat nina Sherrie Ann Torres at Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.