PatrolPH

DOLE exec, sinisi, sinibak ni Duterte dahil sa mga strike

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2018 09:28 PM

Matapos umano niyang "pagbigyan" ang mga miyembro ng "progresibong" grupo sa kaniyang gabinete, sinibak na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang natitirang koneksiyon niya sa mga ito: si Labor Undersecretary Joel Maglunsod.

Si Maglunsod ang huli sa limang makakaliwang opisyal na itinalaga ni Duterte sa iba't ibang ahensiya ng gobyerno noong simula ng kaniyang termino. 

"Joel Maglunsod pinaalis ko. Pinagbigyan ko sila (leftist) noong bago ako," ani Duterte sa isang talumpati sa Catarman, Northern Samar.

Sa parehong talumpati ay binanatan pa ng Pangulo si Maglunsod pati na ang grupong Kilusang Mayo Uno (KMU) dahil sa mga labor strike na umano’y "nagpaparalisa" sa ekonomiya ng bansa.

"Kasi kung mag-strike sila nang mag-strike... they will paralyze the economy... Huhulihin ko lahat 'yang [Kulusang] Mayo Uno at si Joel Maglunsod," babala ng Pangulo. 

Sa mga negosasyon ng mga employer at labor group, itinuturing si Maglunsod bilang boses ng mga manggagawa kaya't umalma ang mga ito sa pagsibak ni Duterte sa naturang undersecretary. 

"The recent move of [Duterte] in firing Labor Undersecretary for Labor Relations Joel Maglunsod broke the last straw of Filipino workers’ trust that the government can truly address issues of contractualization, low wages, better and humane working conditions in the country.” ayon sa pahayag ng KMU. 

(Ang pinakahuling hakbang ni Duterte na pagsibak kay Maglunsod ay indikasyon na hindi na talaga mapagkakatiwalaan ang gobyerno na kumilos pa tungkol sa mga isyu ng manggagawa sa kontraktuwalisasyon, mababang sahod, at makataong kondisyon ng mga trabahador sa bansa.)

"It was wrong for Mr. Duterte to fire Usec. Joel Maglunsod over the escalating labor unrest in the country. [Maglunsod] is labor’s closest ally in the DOLE (Department of Labor and Employment)," ayon naman sa pahayag ng grupong Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO).

(Mali ang naging desisyon ni Duterte na sibakin si Maglunsod dahil siya ang maituturing na pinakamalapit na kaalyado ng mga manggagawa sa labor department.)

IKINAGULAT

Aminado si Maglunsod na nagulat siya sa inanunsiyo ni Duterte at plano umano niyang klaruhin ang rason ng kaniyang pagkakasibak dahil tuloy-tuloy naman daw ang kaniyang trabaho para maisulong ang kapakanan ng mga manggagawa.

"[G]usto ko ring malaman [kung bakit ako tinanggal] kasi alam naman ng Presidente kung saan ako galing," aniya. 

Itinanggi naman ng Palasyo na may "crackdown" ang gobyerno sa mga labor leader kasunod ng naging banta ng Pangulo na huhulihin sila.

"I think what he was saying is he will crackdown on illegal strikes kasi meron pong mga proseso na dapat pagdaanan bago mag-strike. At ang ayaw ni Presidente ay 'yung illegal strikes na nangyayari," interpretasyon ni Presidential Spokesperson Harry Roque. 

Bago kay Maglunsod ay nauna nang sinibak ng Pangulo si Terry Ridon bilang hepe ng Presidential Commission for the Urban Poor dahil sa umano’y kaliwa’t kanang biyahe sa ibang bansa.

Hindi naman nakalusot sa Commission on Appointments sina Judy Taguiwalo bilang Social Welfare secretary at Rafael Mariano bilang Agrarian Reform secretary.

Nito lamang Agosto, nagbitiw bilang hepe ng National Anti-Poverty Commission si Liza Maza kasunod ng patuloy na pag-asim ng relasyon ng gobyerno at mga progresibong grupo. —Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.