Dalagita hinahanap matapos umanong tumalon sa floodway

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2018 03:31 PM

Isang 14 taong gulang na dalagita ang tumalon sa floodway sa Taytay, Rizal matapos umanong buyuin ng mga kaibigan habang nag-iinuman alas-8 ng gabi Martes.

Sinisid ng special operations unit ng Philippine Coast Guard (PCG) ang Manggahan Floodway sa Barangay San Juan, Taytay, Rizal ala-una ng madaling araw Miyerkoles para sagipin si alyas "Mariel."

Kuwento ng kapatid ni Mariel na si alyas "Didith" ay kainuman pa ng dalagita ang kaniyang mga kaibigan nang mangyari ang insidente.

"Nagbibiruan 'ata na tumalon...Ang ano niya sa barkada, baka binu-bully [siya]. Siya raw ang sinisisi po sa mga away-away... Ilang araw niyang dinaramdam," hinaing ni Didith. 

Masayahing bata raw si Mariel pero napansin nilang matamlay ito nitong nakaraang araw. 

May mga palitan din ng mensahe sa Facebook ang magbabarkada ng di nila pagkakasunduan. 

Samantala, 2:30 ng madaling araw ay nagpasya ang PCG na pansamantalang itigil ang search and rescue operations.

"Medyo malakas ang current kaya possible na inanod siya. Di natin ito titigilan. Sa sitwasyong ito, hindi lalayo ang katawan," ayon kay PO1 Edwin Marquez, team leader ng naturang operasyon. —Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.