PatrolPH

'Papatayin kita': Babae, sinugod at sinaksak ang 'nang-hack' ng Facebook

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2017 09:53 PM | Updated as of Oct 04 2017 01:02 AM

Sinaksak ng isang babae ang isa pang babae dahil sa pag-hack umano sa kaniyang account at pag-post ng malaswang retrato niya kasama ang isang lalaki. 

Pinagmumura at pinagbantaan ng 24 anyos na si Camille Paras sa Facebook messenger ang 18 anyos na si Sheena Sayo pasado alas-5 ng hapon nitong Sabado, Setyembre 30.

Inakusahan ni Paras si Sayo na nang-hack umano ng kaniyang Facebook account at nag-post ng mahalay na retrato ni Paras kasama ang ex-boyfriend ni Sayo.

Tinotoo naman ni Paras ang banta makalipas ang ilang minuto. 

Nakuhanan pa sa CCTV ng Barangay 464 sa Sampaloc, Maynila ang pagsugod ni Paras papasok sa isang eskinita.

Makikita sa isa pang CCTV na naglalakad noon si Sayo palabas ng eskinita pero bumalik siya at doon na siya nasundan ni Paras. 

Hinablot ni Paras ang buhok ni Sayo at nagsabunutan ang dalawa. Namagitan naman ang ilang kapitbahay ngunit hindi nagpaawat ang dalawa.

Bumunot si Paras ng patalim, iwinasiwas at sinaksak sa likod ni Sayo. Sinaksak niya rin sa bandang harapan ang biktima.

Isinugod ng mga kapitbahay si Sayo sa Jose Reyes Memorial Medical Center.

Mariin namang itinanggi ni Sayo ang bintang sa kaniya ni Paras na nang-hack siya at nag-post ng mahalay na retrato.

Samantala, naaresto na rin ng pulisya si Paras. Tumanggi muna siyang magbigay ng pahayag at na-inquest na rin sa kasong frustrated murder.

 -- Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.