Law student huling lumabag sa gun ban sa Tuguegarao

Danielle Louise Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2017 07:02 PM

TUGUEGARAO - Dalawang oras pa lang ang nakalilipas magmula nang maging epektibo ang Comelec gun ban para sa panahon ng barangay elections, isang 30 anyos na law student ang nahuling lumalabag dito.

Kinilala ang estudyanteng si Dexter Bargado na nakuhanan ng kalibre .45 na baril nang maabutan ng mga pulis sa isang kainan sa Barangay Sentro Dos sa siyudad na ito. 

Napasugod ang mga pulis sa naturang kainan matapos silang makatanggap ng ulat tungkol sa away doon. Kasali umano si Bargado sa gulo, ayon sa pulisya. 

Nang sitahin ng mga pulis, ipinresenta ni Bargado ang kanyang permit to carry firearms outside residence at photocopy ng rehistro ng kanyang baril. 

Pero hindi ito nakalusot at dinampot pa rin ng mga awtoridad dahil sa paglabag sa election gun ban. Agad namang nagpiyansa ng P12,000 ang estudyante matapos ma-inquest nitong Lunes.