Lalaki, umamin sa pagpatay sa 9 anyos na nahalay

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2017 10:29 PM

Sinampahan na ng reklamo ang lalaking umaming pumatay sa 9 anyos na babaing hinalay sa Dinalupihan, Bataan.

Sa kuwento ng ina ni alyas "Jenny", bandang alas-8 ng gabi nitong Linggo, Oktubre 1, nang utusan ang bata ng kaniyang ama na bumili sa tindahan.

Pero nang lumipas na ang isang oras at hindi pa nakababalik ang bata, doon na nag-alala ang kaniyang mga magulang.

Dahil hindi mahagilap kung nasaan ang bata, nagpaskil pa sila ng panawagan para sa nawawalang anak sa pag-asang nasa maayos na kalagayan ang menor de edad.

Pero nitong Martes, Oktubre 3, natagpuan nang walang buhay si Jenny sa bakuran ng isang bahay. 

Pang-ibaba na lang din ang suot ng bata at halos hubad na ang pang-itaas.

Nahuli rin nitong Martes ang 56 anyos na suspek na si Leonardo Aquino.

Sa panayam ng ABS-CBN News, inamin ng suspek na pinatay niya ang bata.

Pero itinanggi niyang ginahasa ang biktima. Minolestiya lang umano niya ang bata.

Taliwas ito sa lumabas sa resulta ng autopsy na may semilya at sugat sa ari ng bata.

Batay rin sa autopsy, namatay si Jenny sa pananakal.

Mayroon ding nakitang specimen sa kaniyang kuko na indikasyong sinubukan ng biktimang lumaban at nakalmot din ang suspek.

Humingi naman ng tawad ang suspek sa mga kapamilya ni Jenny.

Hindi naman matanggap ng ina ni Jenny ang sinapit ng anak sa kamay ng suspek.

Sinampahan na ng reklamong "rape with homicide" ang suspek na nakakulong sa Dinalupihan Police Station.

Ayon din sa Dinalupihan police, dati nang may kasong "double rape" ang suspek.

-- Ulat ni Miguel Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.