Krista Miller, 2 modelo arestado sa drug-bust

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2016 10:08 AM | Updated as of Oct 03 2016 02:26 PM

MANILA (UPDATED) - Dinampot ang aktres na si Krista Miller at anim na iba pa sa magkakahiwalay na anti-illegal drug operation sa Valenzuela at Quezon City. 

Unang natimbog Biyernes ang limang indibidwal, kabilang ang FHM magazine models na sina Liaa Alelin Bolla at Jeramie Padolina, sa buy-bust operation sa Bagumbuhay, Quezon City. 

Itinuro ng dalawang modelo si Miller bilang pinagkukuhanan nila ng droga, ayon sa Quezon City Police District (QCPD). 

Natunton si Miller sa follow-up operation sa Barangay Gen. Tiburcio de Leon, Valenzuela City nitong Lunes. Dinampot rin ang kasama niyang si Aaron Medina. 

Maliban sa dalawang modelo na nahaharap sa bailable na kaso, kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Comprehensive Drugs Act.

Tumanggi namang magbigay ng anumang pahayag si Miller. 

Unang naugnay sa iligal na droga si Miller nang bisitahin nito ang convicted drug lord na si Ricardo “Chacha” Camata sa isang ospital noong 2014, kasama ang dalawang TV dancer.

Matatandaan ding kinuwestyon ni noo'y Department of Justice (DOJ) undersecretary Francisco Baraan ang pagdadala kay Camata sa ospital, gayong wala naman umano itong sakit. 

Naging kontrobersyal din noon si Miller bilang sanhi umano ng hiwalayan ng mga aktor na sina Cesar Montano and Sunshine Cruz. 

Krystaline Engle Bacolod ang totoong pangalan ni Miller. 

-- May ulat nina Doland Castro, ABS-CBN News; Jeff Hernaez, DZMM