PatrolPH

CHED maglulunsad ng 'accelerated master's' program para sa nursing grads

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2023 04:52 PM

Nagsasanay ang mga mag-aaral ng nursing sa Far Eastern University sa Maynila sa larawan na kuha noong Feb.23. 2022. ABS-CBN News/George Calvelo, file

MAYNILA — Magpapatupad ang Commission on Higher Education ng "accelerated master's degree program" para mapabilis ang pagkuha nito ng mga nursing graduate.

Aminado kasi si CHED Chairperson Popoy De Vera na mataas din ang demand para sa mga nurse na may master's degree sa ibang bansa kaya nag-aalisan ang mga nagtatapos na nurse.

"We are going to implement an accelerated master's degree program that recognizes prior learning or prior experience of nurses so that we can shorten their master's program," banggit niya.

Target itong ilunsad sa susunod na academic year.

Inaasahan naman daw ang karagdagang 2,000 nursing graduates sa AY 2027-2028 naman, kapag naaprubahan ang mahigit 50 eskwelahang nag-apply ng Nursing programs.

Ilan lamang ito aniya sa mga paraan para matugunan ang shortage ng mga nurse sa bansa.

May P30-bilyong alokasyon ang CHED sa ilalim ng 2024 National Expenditure Program (NEP), mas mababa sa hininging P40.3 billion budget.

UP Virtual University

Samantala, may binuong UP Archipelagic and Oceans Virtual University ang Unversity of the Philippines.

Ayon kay UP president Angelo Jimenez, "very central" at "drivers" ng bagong virtual university ang ocean diplomacy, blue economy, West Philippine Sea at United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS)

"It is still under the technical working group stage, but it was approved by the Board of Regents in May. It will include everything related like the College of Fisheries in Visayas, the Marine Science Institute in Diliman, and it will also include even Naval Architecture in the future, something which we lack."

Dagdag ni Jimenez, ang maritime law expert na si Dr. Jay Batongbacal ang nakatakdang mamuno rito.

Nasa P21.3 billion ang alokasyon para sa UP System sa panukalang badyet, mas mababa sa P40 billion na hiningi nito. 

Mas mababa rin ito sa P21.8-bilyong alokasyon ng UP sa kasalukuyang budget.

Ang state universities and colleges (SUCs) naman, humihingi ng karagdagang P4.2-bilyong budget sa susunod na taon para pondohan ang free higher education, ayon kay Dr. Tirso Ronquillo, presidente ng Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.