MAYNILA - Nanawagan ang ilang commuter na gawing abot-kaya ang bayad sa Beep card sa mga bus, kasabay ng pag-ulan ng mga reklamo sa singil para sa first-time users nito.
Humihingi ng konsiderasyon ang mga commuter gaya ni Josefa Mai Ciar at ni Richard Frondoso dahil pangkain sana nila ang nagagastos para sa Beep card lalo't naghihikahos ang mga tao ngayong may coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
"'Yun nga po, buti may pasobra kahit ano eh, P100 lang eh. Wala nga lang pangkain," ani Ciar.
Para kay Frondoso, kung maaari ay dapat wala na lang stored value card.
"Mahal ho, baka puwedeng wala na lang card, babayad na lang ako kasi kulang na kulang ang budget ko… Gusto ko na talaga makauwi, magtitiis na lang muna para makauwi na wala ngang tanghalian eh," ani Frondoso.
Maalaala na nitong Huwebes, Oktubre 1, ikinasa ng gobyerno ang cashless scheme para sa mga bus sa EDSA para maiwasan ang hawahan sa coronavirus.
Para sa first-timers, P80 ang bayaran para sa mismong card, at dapat may dagdag na load itong P100. Sa kabuuan, kailangang magbayad ng P180 ang mga commuter kung bibili ng Beep card.
Nasa P65 naman ang pinakamababang balanse na dapat nasa card para magamit ulit. Kapag bumaba sa P65, hindi makakasakay ng bus ang mga pasahero.
Sa isang press release, hinamon ni Senador Sonny Angara ang Department of Transportation (DOTr) na maghanap ng paraan para gawing abot-kaya ang presyo ng Beep card para sa karaniwang Pilipino.
"Commuters were furious over how they had to pay P180 for the Beep card, which consists of P80 as cost of the card itself and P100 as credits. Angara challenged the DOTr to push the envelope further in terms of affordability dahil sa panahon ng pandemiya ang daming naghihirap," ayon sa pahayag na inilabas ng kaniyang tanggapan.
Para naman kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, kung bilyon ang inihahanda ng gobyerno para matulungan ang mga korporasyong pag-aari ng mga mayayaman, barya lang ang katumbas kung magbibigay ng subsidy para sa Beep card ng mahihirap na Pilipino.
"Government is readying billions of pesos to help distressed corporations owned by the rich. The cost of a subsidized Beep card for the poor is just a small blip on the spending radar," ani Recto.
Hiniling din ng Laban Konsyumer president na si Victor Dimagiba na ipagpaliban muna ang pagpapatupad ng cashless transaction.
Giit niya, gawin muna itong opsyonal.
"Bakit ba sila nagmamadali? Unang-una kakaunti pa lang naman ang mga buses na pinapayagan nilang magbiyahe. Kailangan 'yung transition to a new policy ay adequate,” ani Dimagiba.
Sagot ng DoTr, matagal na itong iniutos sa mga pampublikong sasakyan para iwas-hawa sa COVID-19.
Nanindigan naman ang AF Payments, ang operator ng Beep card, kailangan ang maintaining balance.
"Kasi imagine this scenario if we do not do that and ang pasahero pays for the lowest fare ita-tap niya lang ay 10 pesos but at the end they took the farthest fare. Malulugi naman po ang operators,” ani Sharon Fong, chief commercial officer ng AF Payments.
— Ulat nina Jacque Manabat at Jorge Cariño, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, TV Patrol, Beep Card, commuter, consumer, konsyumer, commuter, buses, COVID-19 beep card, Beep card for EDSA buses