PatrolPH

'Mag-late enrollment na lang sa halip na huminto sa pag-aaral'

ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2020 08:05 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Hinikayat ng Department of Education ang mga magulang na mag-late enrollment. Ito ay sa harap ng pasya ng ilang magulang na ipagpaliban ang pag-aaral ng kanilang mga anak ngayong taon dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Para kay Education Secretary Leonor Briones, malaking kawalan sa mga bata kapag hindi nakapag-enroll ngayong taon.

"Learning must continue and education cannot wait. Our children cannot wait. We cannot afford a delay of even 6 months to 1 year of their learning process because we all know that the damage would be incalculable," ani Briones.

Ayon sa datos ng DepEd, nasa higit 3 milyon ang hindi pa nakakapag-enrol para sa papasok na school year. Pero pinapayagan naman daw ang late enrollment hanggang Nobyembre.

Sisimulan ang klase sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng blended learning, o halong offline at online learning sa Oktubre 5, ngayong iniiwasan ang face-to-face classes dahil sa pandemya.

Isa ang anak ni Fernando Dela Cruz na si Jayven sa mga hindi makakapasok sa paparating na school year. Hindi kasi kaya ni Dela Cruz na pag-aralin ang anak, ngayong P200 hanggang P300 lang ang kaniyang kinikita sa pamamasada ng tricycle.

"Nagba-boundary po ako dito tapos 3 yung anak ko na pinapakain, umuupa pa ako ng bahay, pagkain, 'di na kaya," ani Fernando.

Hindi rin nakapag-enroll ang tatlo sa apat na anak ni Analyn Santiago.

Aabot sa P300 kada araw ang kinikita ni Santiago sa pagtitinda ng sampaguita. Wala ring trabaho ang kaniyang mister.

Kakayanin naman daw niyang mairaos sa pag-aaral ang mga anak na nasa elementary. Pero aniya, hindi siya maalam sa pagtuturo rito.

"Di po kasi ako marunong mag-ano eh mag-online di ako marunong magchat-chat... 'Di ako marunong [mag-module], 'di ako marunong magbasa, 'di ko po maintindihan din eh kasi grade 2 lang po ako [nagtapos]," ani Santiago.

Susubukan ni Santiago na maipa-enroll pa ang mga anak per si Dela Cruz, pababalikin na lang sa eskuwela ang anak kapag kontrolado na ang pandemya.

-- Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.