PatrolPH

Ilang gurong senior citizens kailangan ng tulong sa online classes

ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2020 08:33 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Mas hirap sa distance learning ngayong pasukan ang mga gurong senior citizen na hindi sanay gumamit ng teknolohiya para magturo.

Isa na dito si Teresita Gutierrez o mas kilala ng mga estudyante niya bilang si "Mrs. G" na mahigit apat na dekada nang guro. 

Marami na rin siyang librong naisulat bilang isang beteranang teacher, pero hindi niya inasahang kung kailan pa siya naging senior citizen ay saka pa siya mangangapa uli kung paano magturo.

Sa ilalim kasi ng distance learning na ipinapatupad sa bansa, bawal na munang magsama sa classroom ang guro at estudyante dahil sa banta ng COVID-19.

"Just to turn on the Zoom, [tinatanong ko] 'anak, paano ba, ano ba pipindutin ko dito?' So how to turn on and turn off, as simple as that, nahihirapan na ko," hinaing ni Gutierrez.

Hindi raw malaman ni Gutierrez kung paano niya iraraos ang klase kung wala ang alalay ng kanyang mga anak.

Pero mas napapaisip siya kung paano kaya nakakaraos ang mga kapwa niya guro na walang kasama o pamilya sa kanilang tabi.

Kaya ang Ateneo-Science and Art of Learning and Teaching (SALT) Institute, nagsagawa na ng mga training para sa mga teacher sa gitna ng lockdown.

"Ang laking pressure sa mga teachers eh... Talagang nakakapagod, nakaka-stress. Nakakaawa talaga mga teachers," ani Fr. Johnny Go, director ng Ateneo SALT Institute.

Pero inaasahan nina Go na kahit anong paghahanda ay lilitaw pa rin ang mga problemang magpapabigat sa kalbaryo ng mga guro tulad ng kawalan ng internet signal, ingay sa mga tahanan, at iba pa.

Pero sa kabila nito, gagawin daw ng mga guro ang pagtuturo para sa kinabukasan ng mga bata.

"'Wag kayog mag-alala, ang mga teachers niyo ay talagang nagta-try o nagpapakadalubhasang gamiting ang teknolohiya na ito para mabigyan namin kayo ng magandang kinabukasan," ani Gutierrez. 

—Ulat ni Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.