PatrolPH

Pagtugis kay 'drug queen' pinatindi sa pagkansela ng kaniyang US visa

ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2019 07:25 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Kanselado na ang US visa ng tinaguriang "drug queen" na si dating barangay chairman Guia Gomez Castro, na nakalabas ng bansa noong Setyembre 21.

Napag-alaman kasi ng Department of Justice (DOJ) na si Castro, kasama ang kapatid at mister, ay lumapag sa Los Angeles, California noong Setyembre 26.

"Upon the request of the Department of Justice, the US visa granted to alleged drug queen Guia Castro has been cancelled. The BI (Bureau of Immigration) is now working with US immigration authorities to effect her deportation to the Philippines," sabi ni Justice Undersecretary Markk Perete. 

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar, si Castro, kapatid na si Florencio Gomez, at asawang si Dennis Castro, ay kasama sa inilabas na drug matrix ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Si Castro ay dating barangay chairwoman sa Sampaloc, Maynila na kasabwat umano ng mga tiwaling pulis na kung tawagin ay "ninja cops." Nire-recycle nila ang mga droga na nakukumpiska sa drug operations. 

Masama ang loob

Samantala, masama naman ang loob ng mga taga-Barangay 484 na dating pinamumunuan ni Castro.

Anila, nadadamay sila sa masamang reputasyon ng drug queen.

"Huwag naman nila i-generalize," hinaing ni Errold dela Cruz, kagawad.

"Nakakalungkot 'yung mga paratang na maraming gumagamit dito," ayon naman kay Sylvia Brumio, tanod. 

Naninindigan naman si Castro na hindi totoo ang mga binibintang sa kaniya.

—Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.