PatrolPH

P500-K halaga ng 'shabu' nasamsam sa Binangonan

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2019 04:22 PM

Nasa P500,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa isang lalaking suspek sa bayan ng Binangonan, Rizal, ayon sa pulisya.

Ang naarestong suspek na si Marvin Petallo, 28 anyos, ang isa sa mga binabagsakan ng droga sa bayan, sabi ngayong Miyerkoles ni Lt. Col. Norman Rañon, hepe ng Binangonan police.

Hinuli ng mga pulis si Petallo noong Biyernes, Setyembre 27, sa kaniyang bahay sa Barangay Pantok.

Nakuha sa sling bag ni Petallo ang 3 malalaking plastic na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Hindi itinanggi ni Petallo ang paratang at sinabing halos isang buwan pa lang siyang nangangalakal ng ilegal na droga.

"Marami naman diyan na mas malaki pa sa akin. Taga-deliver lang din ako," ani Petallo sa panayam.

Ikinasa ang operasyon laban kay Petallo matapos siyang ituro ng magkaibigang Francisco Huerra III at Jennet Reynoso.

Naaresto rin noong Biyernes sila Huerra at Reynoso sa isang anti-illegal drug operation sa Binangonan.

Sumuko noong 2016 si Huerra sa Oplan Tokhang pero nagpatuloy pa rin umano sa pagbebenta at paggamit ng droga.

Iginiit naman ni Reynoso na nadamay lang siya.

Mula Setyembre 27 hanggang Setyembre 28, 7 suspek ang naaresto ng Binangonan police sa magkakahiwalay na operasyon kontra ilegal na droga.

Kinasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.