Malaking bahagi ng Star City nilamon ng apoy

ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2019 11:39 AM | Updated as of Oct 02 2019 07:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nilamon ng apoy ang aabot sa 80 porsiyentong bahagi ng Star City, isang tanyag na amusement park sa Pasay City, pasado madaling araw ng Miyerkoles.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), sumiklab ang apoy bandang 12:22 ng madaling araw sa isang stockroom.

Umabot ng 5th alarm (Task Force Bravo) ang sunog o kinailangan nang hindi bababa sa 19 firetruck para apulahin ang apoy. 

Kumalat ang sunog sa malaking bahagi ng Star City maging sa mga kalapit na pasilidad tulad ng Manila Broadcasting Company (MBC). 

Nasunog ang ikalawang palapag ng MBC at nabasa ang karamihan sa kanilang broadcast equipment. Gayunman, tuloy pa rin daw ang operasyon ng kanilang radio stations. 

Alas-4:30 ng madaling araw nang ideklarang under control ang malaking sunog na sumiklab lagpas hatinggabi. 

Bandang alas-2 ng hapon nagdeklara ng fire out ang BFP sa pasilidad. 

Unang sinabi ni Star City spokesperson Rudolph Jularbar na sarado muna ang Star City sa Kapaskuhan at posibleng sa Oktubre 2020 pa ito magbubukas. 

"So ang broadcast group namin walang disruption of business, it's just Star City and unfortunately Star City cannot open for the Christmas season. Lahat ng major rides, practically everything in Star City has been burned down," ani Jularbar. 

Pero sinabi rin nitong sisikapin nilang paabutin ng Disyembre ang pagsasaayos ng pasilidad. Kakailanganin nila ng clearance mula sa BFP kung maaaring magtuloy ng operasyon. 

Nasa 200 empleyado ng Star City ang apektado sa pagsasara ng amusement park. 

Pero tiniyak ng pamunuan ng Elizalde group, na namamahala sa amusement park, na hindi sila mawawalan ng trabaho. 

IMBESTIGASYON

Sabi ni Fire Supt. Paul Pili ng Pasay City Fire Station, ilan sa mga sinisilip nilang dahilan ay aberya sa kuryente, pati na arson. 

Ayon pa kay Pili, posibleng sabay-sabay nagsimula ang apoy sa magkakaibang lugar ng Star City.

Ilang minuto lang ang lumipas nang itawag sa kanila ang sunog pero nang respondehan ay sobrang lawak na umano ang apektado ng sunog. 

Pero naniniwala ang tagapagsalita ng Star City na aksidente ang pinagmulan ng insidente. 

Wala namang nasaktan o namatay sa sunog. 

Patuloy pang inaalam ang halaga ng nga natupok na ari-arian. — Ulat nina Fred Cipres, Michael Delizo, at Jeck Battalones ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.