ALAMIN: Mga grocery items na sakop ng senior citizen discount

ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2019 07:26 PM

Palengke ang madalas na takbuhan ng mga gustong makabili ng mas mura.

Pero hindi alam ng marami, kung si lolo at lola ang mamimili, kahit sa grocery ay makatitikim sila ng 5 porsiyentong diskuwento.

Sa pag-aaral ng ABS-CBN News Research Group, natuklasang nasa 42 bilihin ang pasok sa 5 porsiyentong diskuwento para sa senior citizens alinsunod sa joint administrative order na inilabas noong 2017.

Kabilang sa mga bilihin ay gatas, asukal, mantika, local noodles, processed beef, pork, at poultry.

May diskuwento rin ang senior citizens sa kahit anong uri ng bigas, mais, isda at ano mang lamang-dagat, gulay, at prutas.

Kasama rin ang bawang, sibuyas, asin, arina, suka, patis, toyo, dairy products, at bottled water.

Pasok din ang mga sabong panlaba at panligo, pawid, construction materials, pataba, pestisidyo, panggatong kahoy, gaas, liquefied petroleum gas, mga bumbilya, electrical supplies, kandila, baterya, at school supplies.

Ang utos ay inilabas ng Department of Trade and Industry, Department of Agriculture, at Department of Energy.

Samantala, isinusulong naman sa Kongreso ng abogadong si Romulo Macalintal na maisabatas ang ayuda sa matatanda.

Nailapit na umano ni Macalintal sa Senado ang pagsasabatas ng P15,000 hanggang P20,000 na ayuda sa mga senior citizen na edad 100 para may panggastos sa gamot at ibang pangangailangan.

Naidulog na ang panukala kay Senate President Vicente "Tito" Sotto III at naghihintay na lang na pormal na maihain sa mataas na kapulungan. -- Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.