2 sugatan sa pagkalas ng ride sa peryahan sa Bataan

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2019 12:30 AM

Dalawa ang nasugatan sa pagkalas ng isang ride sa isang peryahan sa bayan ng Limay sa Bataan nitong Sabado.

Ayon sa mga opisyal ng bayan, tumilapon ang magpinsan na si Angel Espino at Warren Beticon matapos kumalas ang cart ng kanilang sinasakyang octopus ride.

Kasagsagan ng ikot ng ride nang biglang bumilis ang andar nito at naging dahilan ng pagkalas nito.

Nagkafracture sa kanang braso at natamaan sa galudgod si Beticon, na kasalukuyang inoobserbahan sa ospital.

Napag-alaman na saglit na iniwan ng operator ng ride ang pwesto bago ito nawala sa kontrol.

Kaagad inaresto ang operator pero pumayag na ding makipagkasundo ang pamilya nila Beticon matapos mangako ang operator na sasagutin ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot nito.

Iniinspeksyon na rin ng munisipyo ang peryahan at pansamantalang ipinatigil muna ang lahat ng rides para ipakumpleto ang mga kaukulang safety requirements nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.