PatrolPH

Mambabatas na sangkot sa serye ng 'pagmamayabang' iginiit na di magbibitiw

ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2018 09:29 PM

Watch more on iWantTFC

Nanindigan si ACTS-OFW party-list Rep. John Bertiz na hindi ito magbibitiw sa Kongreso sa harap ng iba't ibang batikos dahil sa kaniya umanong kayabangan. 

Magkakasunod kasi ang mga kontrobersiyang kinasasangkutan ngayon ni Bertiz.

Viral sa social media ang airport video ni Bertiz matapos tumanggi na magtanggal ng sapatos at ipagmalaki ang kaniyang privilege pass sa isang security personnel. 

Sinabi rin niya noon sa isang forum ng mga board passer ng agricultural at biosystems engineers licensure exam na hindi bibigyan ng lisensiya ang mga hindi nakakakilala kay Special Assistant to the President Bong Go.

Kumakalat din ngayon sa social media ang video ni Bertiz na nakikipagsagutan sa isang lider ng mga overseas Filipino sa Hong Kong.

Pero kahit pa sunod-sunod ang panawagan na mag-resign na ang kongresista ay hindi raw niya ito maaaring pagbigyan.

"Hindi ko puwedeng sabihin na magre-resign ako kasi marami rin pong umaasang OFW na kailangan po nating tulungan," ani Bertiz. 

Pero iba naman ang saloobin ng mga grupo ng OFW. 

“Nais namin ay may tapat at handang makinig na representante ng mga manggagawa sa ibayong dagat at nakikita po namin si John Bertiz ay wala nang kakayahan, walang moral integrity para kami ay irepresenta,” ayon kay Migrante International spokesperson Arman Hernando.

“Bertiz should not remain in Congress. Apology from Bertiz is necessary but he should also be held accountable,” giit naman ni Emman Villanueva, secretary general ng United Filipinos in Hong Kong. 

Pero hindi pa man nakakabawi sa mga kontrobersiya, isang pahayag na naman ni Bertiz ang naging usap-usapan:

“For the past three years that I’ve been a member of Congress, once a year na medyo dapuan po tayo ng monthly period ay hindi ko na rin po maiaalis na tao lang po, na marupok at umiinit ang ulo, naii-stress din sa trabaho."
    
Puna ng grupong Gabriela, hindi dapat gamitin ang pagreregla ng mga babae bilang depensa sa aroganteng pag-uugali.

"Kaming mga babae ay walang problema sa regla. Ang isyu ay ang arogansiya nya. Women should not be stereotyped as arrogant and entitled during their menstrual period. Huwag niyang idamay ang kababaihan kasi siya ang may problema," ani Gabriela Rep. Emmi de Jesus. 

Nag-sorry na si Bertiz sa kaniyang inasal sa NAIA at sinabing ibabalik niya ang privilege pass na ipinakita niya noon sa security officer.

Umaasa ang mga kritiko ngayon ni Bertiz na kikilos ang liderato ng Kongreso para maimbestigahan at matanggal na ito sa puwesto.

—Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.