Kasabay ng pila sa lotto: PCSO sa Legazpi, dinadagsa rin

ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2018 09:34 PM

Watch more in iWantTFC

Hindi lang mga lotto outlet ang pinipilahan ngayon dahil sa higit P800 milyong jackpot prize sa Ultralotto kundi pati mismo ang tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Albay dahil sa paghingi ng ayuda ng ilang mga naospital.

Isa sa mga nagbabakasakaling makamit ang jackpot ang "padyak" driver na si Ramil Altavano, na araw-araw tumataya. 

Kahit na balik-taya lamang ang naiuuwi minsan ay umaasa pa rin siya na makamit ang jackpot. Kung manalo man, nais niyang tulungan ang kaniyang ama na nagtatrabaho pa rin. 

“Araw-araw [ako tumataya] po dahil nawawala ang pagod ko kapag nakakataya ako sa lotto,” aniya. 

Si Jose Biñas naman, gumastos nang mahigit-kumulang P1,000 sa pagtataya sa mga outlet mula Daraga, Albay papuntang Legazpi City sa pag-asang matamo ang jackpot. 

SALAMAT SA LOTTO

Dinudumog naman ang tanggapan ng PCSO sa Albay ng mga nagbabakasakaling humingi ng ayudang pang-medikal. 

Kabilang rito si Ruby Jacob, na pumipila sa tanggapan ng PCSO para humingi ng pera panggastos sa operasyon ng kaniyang asawa. 

Nagpapasalamat si Jacob sa mga tumataya sa lotto dahil bahagi ng pera kada taya ay napupunta sa pang-ayuda ng PCSO sa mga nangangailangan tulad niya.

“Kasi mahirap lang naman tayo kailangan ko talaga ng tulong ng PCSO,” aniya. 

-- Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.