105 araw na maternity leave, lusot na sa Kongreso

ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2018 07:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Manganganak na sa Disyembre si Ilonah Historillo kaya ngayon pa lang ay pinaghahandaan na niya ang pag-aalaga sa kaniyang unang sanggol. 

Ayon kay Historillo, mas mabuti sana kung mas mahabang panahon din ang maigugugol niya sa pag-alaga sa isisilang na sanggol.

"Mas maganda din kung mas mahaba[ng panahon] and then 'yon nga, with pay siya, so kahit nasa bahay lang, mayroon pa ring su-support kay baby," ani Historillo.

"'Yong bonding na rin para kay baby," aniya.

Hindi malayong matamasa ng mga manggagawang babae na malapit nang maging ina, gaya ni Historillo, ang mas mahabang panahon para makasama at maalagaan ang kanilang mga isisilang na sanggol.

Maisasakatuparan ito sa oras na pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Expanded Maternity Bill, na inaprubahan noong Lunes ng congressional bicameral conference ng Senado at Kamara.

Layon ng panukalang palawigin ang maternity leave o bilang ng mga araw na maaaring lumiban sa trabaho nang may suweldo ang isang babaeng kapapanganak lang. 

Sa ilalim ng panukala, magiging 105 days na ang maternity leave sa halip na 60 days. Puwede ring ilaan ang hanggang pitong araw para sa paternity leave o pagliban ng mga ama.

Bibigyan din ng karagdagang 15 araw ang mga solo parent o magulang na mag-isang itinataguyod ang sanggol. 

Hindi na rin lilimitahan ang pagbibigay ng benepisyo sa hanggang apat na anak.

Bayad din ang empleyado sa kabuuan ng kaniyang maternity leave.

Maghahati ang Social Security System (SSS) at employer sa pagbayad, at Government Service Insurance System (GSIS) naman para sa mga kawani ng gobyerno.

Ikinatuwa ito ng grupo ng mga kababaihan at manggagawa.

"Malaking bahagi ng ating populasyon ay kababihan at sila ay nasa sektor ng paggawa," ani Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.

"Ito po ay isang tagumpay, isang katarungan para sa atin," sabi naman ni Eva Arcos ng grupong Trade Union Congress of the Philippines.

APEKTADO ANG NEGOSYO

Umalma naman ang isang grupo ng mga employer dahil maaapektuhan daw ang kanilang mga negosyo sa tagal ng panahong mawawala ang empleyado. 

"Ang problema rito, hindi na kami mag-e-expand at kung babae ang kanilang empleyado ay mahihirapan sila," ani Donald Dee, pangulo ng Employers Confederation of the Philippines. 

Papatawan ng multang P20,000 hanggang P200,000 at parusang hindi pag-renew ng business permit ang mga lalabag sa batas.

Exempted naman sa panukala o hindi inoobliga ang mga kompanyang maliliit at kakaunti ang empleyado o may puhunan na mas mababa sa P3 milyon. 

Sinabi naman ng SSS na kakailanganin nilang magtaas ng singil sa contribution para mapondohan ang pinalawig na maternity leave benefits.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.