PatrolPH

1 patay, 23 arestado sa magkakahiwalay na drug ops sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2018 08:32 PM | Updated as of Oct 03 2018 02:38 AM

Watch more on iWantTFC

Isa ang patay habang 23 ang arestado sa magkakahiwalay na anti-drug operations sa Cavite nitong Lunes at Martes. 

Patay ang drug suspect na si Alyazzriff Sahibuddin matapos umanong manlaban sa isang buy-bust operation sa sarili niyang tahanan sa Barangay San Francisco, General Trias City. 

Nakita ang isang kalibre .38 revolver malapit sa bangkay ng suspek. 

Ayon sa hepe ng General Trias police na si Superintendent Paul Bometivo, isa si Sahibuddin sa kilalang tulak sa lugar at maging sa mga karatig-bayan nito.

“Isa ito sa malakas na tulak dito sa Pabahay 2000… Kahit sa mga karatig-bayan po dito sa General Trias,” aniya. 

Una nang naaresto ang isang babaeng sinasabing kasabwat ni Sahibuddin, na nagturo pa sa dalawa umanong drug pusher na naaresto rin ng mga pulis.

Depensa ng mga inarestong sina Arnel Pedrera at Jennifer Francisco, ipinahatid lang sa kanila ang mga nakuha sa kanilang shabu.

Sa magdamag na drug operations, umabot sa 23 ang naaresto sa Naic, Carmona, Tanza at mga lungsod ng Trece Martirez, Dasmarinas at General Trias.

Tagaytay ‘drug free’ city na: Calabarzon PNP

Samantala, idineklara ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Calabarzon PNP na "drug cleared" ang Tagaytay City nitong Martes. 

Giit ng mga awtoridad na dahil ito sa pinatinding operasyon kontra ilegal na droga sa lalawigan, at dahil sinunod na ng dalawang bayan ang pamantayan para mabilang sila sa mga drug cleared cities sa bansa. 
 
“Pag sinabi mong 'drug cleared' lahat ng parameters na sinet ng PDEA [natupad]. Absent na, no drug pusher, no user, no clandestine laboratory, walang resort na ginagamit for pot session and so many others,“ ani Calabarzon police director Chief Superintendent Edward Carranza. 

Inaasahang susunod na maidedeklarang drug cleared ang bayan ng Magallanes.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.