3 magkakapatid, patay nang 'manlaban' sa loob ng evacuation center

ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2017 06:07 PM | Updated as of Oct 02 2017 08:42 PM

Tatlong magkakapatid. Retrato mula sa pamilya Umpad

Patay ang tatlong magkakapatid matapos manlaban umano sa buy-bust operation sa loob ng evacuation center sa Cebu International Convention Center sa Mandaue City, Cebu.

Tinukoy ang mga nasawing magkakapatid na sina John Vincent, Jerome, at Robin Umpad.

Ayon sa hepe ng Mandaue City Police Station 3 na si Chief Inspector Michael Beltran, target nila sa isinagawang buy-bust operation si John Vincent.

Pero nang malaman ng magkakapatid na isang police operation pala ang isinasagawa, nanlaban daw ang tatlo at nauna pang nagpaputok ng baril.

Nakuha ng mga pulis ang limang maliliit na sachet ng shabu at tatlong baril.

Ayon naman sa ina ng magkakapatid na si Jean Umpad, walang buy-bust operation na nangyari.

Dumating daw ang mga pulis sa kanilang tinutuluyan at saka pinalabas ang kanilang mag-anak maliban sa tatlong magkakapatid.

Matapos nito, nakarinig sila ng sunod-sunod na putok ng baril. 

Ayon sa ina, kalalaya lang ng kaniyang tatlong anak noong Setyembre 29 sa kasong murder.

Nakalaya ang magkakapatid sa ilalim ng programang "Justice on Wheels" ng Department of Justice.

Planong humingi ng tulong ng pamilya Umpad sa Commission on Human Rights para mapaimbestigahan ang pagpatay sa tatlong magkakapatid.

-- Ulat ni Jude Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.