Dalawang bata ang bahagyang nasugatan matapos tumalon mula sa nasusunog nilang unit sa Barangay Ususan, Taguig.
Pinagtulungang iligtas ng mga residente ang dalawang bata na edad 9 at 12 anyos.
Masuwerteng gasgas lang ang tinamong sugat ng dalawa na dinala na rin sa ospital para masuri.
Kuwento ni Veronica Panes, walang tao sa nirerentahan nilang unit sa ika-5 palapag ng gusali sa Pamayanang Diego Silang nang mangyari ang sunog.
"Abo talaga lahat, lahat ng gamit sa'min sunog talaga, walang tao talaga kaaalis lang ng apo ko tsaka anak ko," kuwento ni Panes.
Ayon sa BFP, bago mag-ala-una ng hapon Sabado nang sumiklab ang apoy sa MB 34 Diego Silang na umabot sa ikalawang alarma bago idineklarang fire out bandang alas-tres ng hapon.
Pansamantalang tumutuloy sa covered sa lugar ang mga apektadong pamilya.
Inaalam pa ang tunay na sanhi ng sunog at kung magkano ang halaga ng pinsala.
-- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.