Kasama sa mga naghain ng kanilang kandidatura sa unang araw ng certificate of candidacy filing sina Presidential aspirant Sen. Manny Pacquiao, opposition senator Risa Hontiveros, at Pasig City Mayor Vico Sotto. Mga kuha nina Mark Demayo, Ina Reformina, at Katrina Domingo, ABS-CBN News
MAYNILA— Umarangkada na nitong Biyernes ang paghahain ng kandidatura para sa 2022 National Elections na sinabayan ng mga protocol dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Ang paghahain ng certificates of candidacy (COC) ay ginagawa sa Sofitel Plaza sa Pasay City para sa national positions habang sa kani-kaniyang local Comelec unit naman naghain ng kandidatura ang mga local official.
Si Sen. Manny Pacquiao ang unang kandidato na naghain ng kaniyang kandidatura sa pagkapangulo. Kasabay niya si BUHAY Party-list Rep. na si Lito Atienza.
Tatakbo sa ilalim ng Probinsya Muna Development Initiative (PROMDI) si Pacquiao sa harap ng sigalot ni Pacquiao sa PDP-Laban, kung saan namumuno siya sa isang paksyon.
Naghain din ng kanilang kandidatura sina Antique Rep. Loren Legarda, na layon ang reelection sa pagka-senador, at ang opposition senator na si Risa Hontiveros na tatakbo naman sa ilalim ng Akbayan banner.
Naghain din ng kandidatura si Sorsogon Gov. Chiz Escudero, sa pamamagitan ng kaniyang abogado. Susubukan din ni dating Pagsanjan mayor Abner Afuang na tumakbo muli sa pagkasenador.
Sa local positions, naghain ng kanilang kandidatura sina Pasig City Mayor Vico Sotto at si Cavite Governor Jonvic Remulla, na pawang layon din ang re-election.
Kasama sa nakapaghain na ng kanilang kandidatura sa partylist ang grupong AGAP kung saan first nominee si dating Rep. Nick Briones habang second nominee naman si Quezon City Councilor Lala Sotto, na anak ni Senate President Vicente Sotto III.
Sa inisyal na assessment ng Comelec, sinabi ng tagapagsalitang si James Jimenez na maayos namang nasusunod ang inilatag nilang mga panuntunan at health protocols.
I-refresh ang pahinang ito para sa karagdagang update.
— May mga ulat nina Johnson Manabat, Katrina Domingo, Ina Reformina, at Jauhn Etienne Villaruel, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.