Retiradong guro patay sa sunog sa Albay

ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2020 03:36 PM

Patay na nang matagpuan ang retiradong guro sa loob ng bahay nito sa Oas, Albay. Napabayaang sigarilyo sa kuwarto ng biktima ang umano'y naging sanhi ng sunog. Larawan mula kay Fire Insp. Aramis Aristhedes Balde

OAS, Albay - Patay ang 76-anyos na retiradong guro sa sunog na sumiklab sa kanilang bahay sa Barangay Obaliw sa bayang ito, madaling araw ng Huwebes.

Ayon kay Fire Marshal Epinito Avila, hindi nila alam na nasa loob ng nasusunog na bahay ang biktimang si Pedro Silerio.

Nakita din kasi siya umano ng mag-inang ligtas na nakalikas sa nasusunog na bahay.

Pero isang timba ang natagpuan ng Bureau of Fire Protection malapit sa biktima.

Posible umanong bumalik ng bahay ang biktima para subukan pang apulahin ang sunog.

Sa inisyal na imbestigasyon ng awtoridad, lumalabas na ang napabayaang sigarilyo sa loob mismo ng kuwarto ng biktima ang sanhi ng sunog.

Nasunog ang karamihan ng gamit sa baba ng bahay, kasama na ang isang sasakyan at dalawang motorsiklo.

- Ulat ni Karren Canon

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.