PatrolPH

Prusisyon sa Cabuyao na lumabag umano sa health protocols iniimbestigahan

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2020 07:20 PM | Updated as of Oct 01 2020 09:08 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Iniimbestigahan na ng city government ng Cabuyao, Laguna ang nangyari umanong prusisyon sa isang barangay kung saan hindi raw nasunod ang physical distancing at iba pang health protocols ngayong pandemya. 

Viral sa social media ang video kung saan kitang iniikot sa mga kalsada ng Barangay Gulod ang imahen ng kanilang patron na si San Rafael. Nangyari ang prusisyon noong Martes, kapistahan ng patron.

Kita sa video ang maraming tao na nagkukumpulan at nag-aabang sa pagdaan ng patron. May mga sumasayaw pa.

Dahil dito ay marami ang naalarma lalo’t may pandemya umano. 

"Lumalabas doon sa picture na mayroong violations ng health protocol, 'yung social distancing," ani Randy Hemedez, legal officer sa Cabuyao City Hall.

Depensa naman ng barangay chairman, walang prusisyon o pagdiriwang ng pista. Nag-abang lamang umano ang mga tao sa labas ng kanilang bahay. 

"Bilang paggalang din po sa mga taga-simbahan, iyan po ay motorcade ang ginawa. Hindi naman prusisyon. Makikita naman sa video na puro sasakyan lamang, wala naglalakad. Pagdating ng patron naglabasan po mga tao para masilayan," depensa ni Dante Hermano, chairman ng Barangay Gulod.

Iginiit naman ng pamunuan ng San Rafael Chapel na mahigpit nilang ipinaalala ang pagsunod sa health protocols.

Babala ng Cabuyao City Hall, mananagot ang mga nagpabaya kaya nalabag ang health protocols.

Handa naman ang barangay chairman na harapin ang imbestigasyon.

Giit pa ni Hermano, kultura na rin umano sa kanilang barangay na ilabas ang patron sa tuwing kaarawan nito kaya niya pinayagan ang aktibidad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.