Nasa 50 pamilya nawalan ng tahanan sa sunog sa Maynila

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2020 12:31 AM | Updated as of Oct 01 2020 07:27 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Aabot sa 50 pamilya ang nawalan ng tahanan sa isang sunog sa Sampaloc, Maynila nitong Miyerkoles ng gabi.

Nagsimula ang sunog sa Galica St. mga alas-8 ng gabi bago ito umabot sa ika-3 alarma. 

Dineklarang kontrolado ito ganap na alas-9:20 ng gabi. Ayon kay Sampaloc Fire Station chief Cpt. Hector Agadulin, mahigit 20 bahay ang tinupok ng apoy. 

Ayon kay Armando Lawartes, nakita na lamang niyang nag-aapoy ang isa sa mga bahay sa compound. Agad pinalabas ng compound ang mga residente dahil mabilis na kumalat ang apoy sa mga bahay na pawang gawa sa light materials. 

Nahirapan makapasok ang mga bumbero dahil sa makikitid na kalsada. Naubusan din ng tubig kaya kinailangan pang magkarga muli ang ilan sa mga firetruck. 

Isa ang agad na dinala sa pagamutan matapos magtamo ng sugat sa ulo at paa. 

Inaalam pa ang sanhi ng sunog at halaga ng mga ari-ariang tinupok ng apoy. 

Pansamantalang mananatili ang mga nasunugan sa barangay daycare center.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.