PatrolPH

Ilang market stalls sa Antipolo ipinasara matapos lumabag umano sa safety protocols

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2020 05:45 AM

MAYNILA - Ipinasara ng lokal na pamahalaan ng Antipolo City ang ilang mga market stalls sa iba’t ibang palengke sa lungsod matapos mahuling lumalabag sa health and safety protocols.

Ayon sa post mula sa official social media page ni Antipolo Mayor Andrea “Andeng” Ynares nitong Miyerkoles, nasa 6 na tindahan ang ipinasara mula sa MLQ Market, FZ Manalo St., Maylors Building at Gatlabayan St. matapos mahuli ng mga awtoridad na walang suot o hindi nakasuot ng maayos ang face masks ng mga nagtitinda.

Apat na stalls naman sa Tri-Star Agora market ang pinasara rin ng city health office dahil sa parehong violation. 

 

Pag-aaralan na rin ng lokal na pamahalaan anong kaso ang puwedeng isampa sa nasabing pamilihan matapos malaman na ilang buwan na palang sira ang sewerage treatment plant ng palengke na nagdudulot ng maduming tubig at mabahang amoy sa lugar.

Samantala, tuloy naman ang pagsasagawa ng libreng testing para sa lahat ng mga nagtitinda sa mga pamilihan sa lungsod. 

Noong Biyernes ay nasa 48 na nagtitinda na ang nagpositibo sa kanilang antibody rapid tests at ngayon ay isasailalim na sa PCR test upang matiyak kung sila ay may coronavirus.

Kasalukuyang nasa 254 ang bilang ng mga active COVID-19 cases sa lungsod, ayon sa pinakahuling tala ng Antipolo City health office.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.