Naghahanda na para sa October 5 school opening ang gurong si Robert Sapeco Jr.
Dahil online class ang kaniyang gagawin para sa kaniyang mga estudyante, isa sa kaniyang mga gagamitin ay ang group chat sa social media.
"'Yong most popular sa mga bata, 'yong Facebook Messenger... Google Meet. Doon namin sila talaga imi-meet," ani Sapeco.
Ayon sa Department of Education (DepEd), walang diretsahang polisiya sa paggamit ng social media, lalo para sa distance learning.
"Call na 'yan ng mga teacher... China-challenge din natin ang mga kasamang guro na maging malikhain," ani Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan.
Pero, sinasabi rin ng DepEd na kung maaari ay maging maingat o huwag nang gumamit ng social media.
"We may encounter several problems. May group cheat features na may adult content, and can elicit incorrect values to learners. Malingat lang ang teachers, baka iba't iba na ang mapuntahan ng bata," ani Education Undersecretary Alain Pascua.
"We have to weigh these platforms and the learning methodologies. 'Di dahil madaling gawin, doon tayo. Mapapahamak pa ang mga bata," dagdag ni Pascua.
Imbes na social media, ibang online platform na mas secure na lang umano ang gamitin.
Pero ayon sa technology expert na si Art Samaniego, kahit secure ang online platforms, puwede pa ring pasukin ng mga manloloko.
"Magkakaroon na ng 'Zoom bombing' — ito ang bagong term na na-coin, na sumikat ngayong pandemya," ani Samaniego.
"May nakakapasok sa meeting room na mga hindi imbitado. Puwedeng mangyari ito sa Zoom, MS Teams, and Google Classroom," paliwanag niya.
Kung hindi nakatutok ang magulang, maaari ring mapadpad ang bata sa "dark web" na bahagi ng Internet, ayon kay Samaniego.
"Nandito lahat [ng] mga kriminal, drug addict, sexual predator. Ito ang mga lugar kung saan makikita mo. Kikilabutan ka kung ano ang shine-share nilang pictures," ani Samaniego.
Kaya ipinayo rin ng eksperto na tutukan nang husto ng mga magulang at iba pang kapamilya ang mga batang mag-aaral sa bahay.
Ito rin umano ang panahon na dapat palakasin ng mga eskuwelahan ang online security nila.
-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, education, online learning, online classes, cybersecurity, distance learning, Department of Education, Zoom bombing, videoconferencing platform,TV PATROL