May mabahong amoy? Food processing company sa Batangas ipinatigil ang operasyon

Jonathan Magistrado, ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2019 04:40 PM

MALVAR, Batangas - Nagpalabas ng cease and desist order ang Environmental Management Bureau (EMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) laban sa isang food processing company kaugnay sa inirereklamong mabahong amoy sa treatment facility nito sa Barangay Bulihan dito sa bayan.

Kinukwestiyon ng EMB ang Environmental Compliance Certificate ng CDO Foodsphere Inc. dahil patuloy daw silang nakatatanggap ng reklamo mula sa mga residenteng nakatira malapit dito dahil umano sa masangsang na amoy.

Ayon sa EMB, taong 2018 nang naisumbong sa kanila ng mga residente ang kompanya dahil sa kaparehong reklamo.

Nanggaggaling daw sa tira-tirang processed ingredients ang nakasusulasok na amoy mula sa planta.

Ayon sa chairman ng Barangay Bulihan na si Restituto Lat, marami raw talagang nagrereklamo kaugnay ng mabahong amoy.

Nauna na raw nilang kinausap ang pamunuan ng kompanya bago dumulog sa EMB pero ‘di na raw muling na-followup ang aksyon nito.

Pangamba ng mga residente na baka makaapekto sa kanilang kalusugan ang mabahong amoy.

Hindi naman muna nagbigay ng pahayag ang mga opisyal ng kompanya.

Maglalabas na lang daw sila ng official statement kaugnay ng cease and desist order.

Ayon naman kay Faina Ifurong, Senior Environmental Management Specialist ng EMB Calabarzon, sakaling hindi tumupad sa mga nakasaad sa order ang kompanya sa loob ng 15 araw, mapipilitan daw ang EMB na magsampa ng kaso.

Higit 2,000 empleyado ng kompanya ang apektado ng pagpapatupad ng cease and desist order.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.