Mahigit 300 kilo ng karneng walang tatak kinumpiska sa Pampanga

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2019 06:23 PM

GUAGUA, Pampanga - Kinumpiska ng mga operatiba ng National Meat Inspection Service (NMIS) Region 3 nitong Martes ang mahigit 300 kilo ng karneng baboy, baka at manok na umano'y hindi dumaan sa tamang proseso ng pagkatay at pag-iinspeksiyon.

Sumugod sa pamilihang bayan ng Guagua ang mga operatiba ng NMIS para kumpiskahin ang mga karneng itinitinda rito. Ayon kasi sa ahensiya, hindi dumaan sa slaughterhouse at walang mga kaukulang permit at certificates ang mga nasabing karne.

Ayon kay Dr. Orlando Ong Sotto, acting regional director ng NMIS-Region 3, ilegal ang pagkakatay sa mga nasabing karne.

"Ibig sabihin illegal slaughter sila, hindi dumaan sa inspeksyon and mga katay-bahay sila," aniya.

Umabot sa 170.8 kilong karneng baka, 129.8 kilong karneng baboy at 43.1 kilong karneng manok ang kinumpiska ng NMIS.

Giit naman ng mga tindero, malinis ang mga karneng itinitinda kahit walang tatak.

Dagdag pa nila, mahal magpakatay sa slaughterhouse ng bayan.

"'Yung matadero nga po problema namin kasi mahal," ani Merlita Panganiban, isang meat vendor.

"Pinupuwersa po kaming pumunta doon para matatakan na dapat naman talaga kasi malinis ang karne, malinis po ang ibinebenta namin kahit walang tatak," dagdag pa ni Amante Roman, ang tagapagsalita ng mga meat vendor sa Guagua.

Nanindigan naman si Mayor Dante Torres na kinakailangang dumaan sa tamang inspeksiyon ang mga kinakatay na hayop.

"Ina-assure ko na 'yung mga tao sa Guagua 'yung mga binibiling baboy dito is malinis dahil sa proseso tapos bigla biglang hahaluan mo ng hindi galing sa slaughterhouse natin, that's unfair," aniya.

Nasa P140 per live swine ang singil sa slaughterhouse sa Guagua. Umaapela ang mga tindero na babaan ang singil, pero ayon sa munisipyo, hindi ito basta-basta magagawa dahil nakabatay sa isang ordinansa ang singil sa slaughterhouse.

Idineretso sa isang bakanteng lote ang mga nakumpiskang karne at ibinaon sa lupa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.