Higit 300 kilo ng karne kinumpiska sa Pampanga

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2019 07:26 PM

Nilagyan muna ng disinfectant ang mga karne bago ibinaon ang mga ito sa lupa. Gracie Rutao, ABS-CBN News

Umabot sa 300 kilo ng karneng baboy, baka, at manok ang kinumpiska ng National Meat Inspection Service (NMIS) Region 3 mula sa pamilihang bayan sa Guagua, Pampanga, Martes ng umaga.

Sa pagmomonitor ng ahensiya, hindi dumaan sa slaughterhouse at walang kaukulang permits at certificates ang mga ibinebentang karne.

“Ibig sabihin iligal slaughter sila, hindi dumaan sa inspeksiyon, and mga katay-bahay sila,” sabi ni Dr. Orlando Ong Sotto, acting regional director ng NMIS-3.

Higit 170 kilo ang karne ng baka, kulang sa 130 kilo ang manok at nasa higit 43 kilo naman ng karneng baboy ang nakumpiska ng NMIS. 

“Yung matadero nga po, problema namin kasi mahal,” pahayag ni Merlita Panganiban, meat vendor.

Giit nila, malinis naman ang mga karneng kanilang itinitinda.

“Malinis po ang ibinebenta namin kahit walang tatak,” sabi ni Amante Roman, tagapagsalita ng meat vendors.

Pero giit ng munisipyo na kailangang dumaan sa tamang pag-inspeksiyon ang mga kinakatay na baboy, baka at manok.

“Ina-assure ko na yung mga tao sa Guagua, yung mga binibiling baboy dito is malinis dahil sa proseso tapos biglang-biglang hahaluan mo ng hindi galing sa slaughterhouse natin. That’s unfair. Kung ayaw nilang sumunod sa batas, so be it,” sabi ni Mayor Dante Torres.

Nagbigay naman ng babala ang NMIS sa mga magiging pasaway.

“May kasamang kulong...ipinaliwanag ko sa kanila, pag makukulit kayo, doon pa rin kayo magkatay, CIDG [Criminal Investigation and Detection Group] na dadalhin namin doon para diretso kayo sa kulungan,” sabi ni Sotto.

Sa ngayon ay nasa P140 pesos kada live swine ang singil sa slaughter house sa Guagua. Apela ngayon ng mga tindera kung pwede pang babaan ito. Pero ayon sa munisipyo, hindi basta-basta magagawa ito dahil nakabatay sa isang ordinansa ang ipinapataw na slaughter fee.

Idineretso sa bakanteng lote ng slaughterhouse ang nakumpiskang karne na nilagyan muna ng disinfectant bago ibinaon sa lupa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.