Pulis na nakainom, isa pang tulog huli sa inspeksyon

ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2018 08:12 AM

MANILA - Nahuli sa surprise inspection ngayong Lunes ng madaling-araw ang isang kawani ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na nakainom at isa pang pulis na natutulog sa gitna ng duty.

Unang napansin ni NCRPO director Chief Superintendent Guillermo Eleazar na hindi nakasuot ng uniporme ang desk officer na si PO3 Joselier Labrada sa Parañaque precinct 3.

Nang kausapin, tila hindi normal ang pananalita ni Labrada kaya paulit-ulit na tinanong ni Eleazar hanggang mapaamin na nakainom ito at galing sa party bago nagtrabaho.

Isasalang sa alcohol at drug test si Labrada na nahaharap sa kasong administratibo.

Sa Las Piñas precinct 8 naman, nahuli ni Eleazar ang desk officer na si Rey Gusi habang natutulog at nakapatay ang ilaw ng opisina.

Paliwanag ni Gusi, nag-extend siya ng duty kaya nakaidlip. Pero iginiit na Eleazar na hindi ito rason para matulog lalo't baka may mangailangan ng tulong.

Napansin naman ng NCRPO chief na madumi at makalat ang iba pang presinto sa Las Piñas at Parañaque. Pinapulot niya sa mga tauhan ang mga nagkalat na basura at upos ng sigarilyo.

Magsasagawa pa ng mga surprise inspection ang NCRPO sa mga susunod na mga araw.

Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News