Lalaki arestado sa pagbebenta ng marijuana sa Capiz

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2018 12:26 AM

PILAR, Capiz - Arestado ang isang lalaki matapos mabilhan ng dalawang sachet ng hinihinalang marijuana sa isang operasyon sa bayang ito Sabado ng hapon.

Ibinenta ng suspek sa halagang P200 ang dalawang sachet ng marijuana. Nang kapkapan, nakuha pa ang limang sachet ng marijuana mula sa kaniya.

Nagtangka pang tumakas ang suspek nang tumakbo sa taniman ng mga tubo matapos malamang pulis ang mga katransaksyon.

Agad naman siyang nahuli.

Natunton din mga pulis sa gitna ng taniman ang mga tanim na marijuana na ayon sa pulisya ay pagmamay-ari ng suspek.

Ayon sa hepe ng Pilar police, posibleng isang taon na nang itanim ang mga marijuana.

Nalaman ring karamihan sa mga bumibili sa suspect ay mga estudyante at residente sa kalapit na barangay.

Isinailalim na sa drug test ang suspek at dinala na rin sa crime lab ang mga nakumpiskang marijuana.

Haharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.