Heavy equipment, sinunog sa Dinagat Islands

Lorilly Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2018 04:42 PM

BUTUAN CITY - Sinunog ang isang dump truck at road compactor ng subcontractor ng isang mining corporation sa Barangay Panamaon, Loreto, Dinagat Islands, Biyernes ng madaling araw.

Sa imbestigasyon ng Loreto Municipal Police Station, nakita ng operator manager na si Mario Caballero na umaapoy na ang mga heavy equipment kaya’t dali dali niya itong ipinaalam upang mapigilan pa ang pagkalat ng apoy. 

Nasunog ang window glass kabilang na ang windshield ng dump truck habang sunog naman ang driver seat at navigational panel ng road compactor.

Ang nasabing pagsunog ng mga heavy equipment ay pinaniniwalaang kagagawan umano ng mga empleyadong natanggal sa kumpanya. 

May mga person of interest na ang pulisya matapos na makita ang mga ito sa pinangyarihan bago pa mangyari ang pagkasunog sa mga heavy equipment.

Aabot sa P30,000 ang halaga ng pinsala ng pagkasunog sa dump truck at road compactor.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.