Tribo sa Bukidnon na pinaalis umano sa sariling lupa, nananawagan ng hustisya

Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2022 09:17 PM

Nananawagan ang tribo ng Manobo Pulang-iyon ng Bukidnon na muli sanang makabalik ang 1,500 na pamilya sa 20 ektaryang ancestral domain.

Nanawagan sila ng hustisya para sa kanilang karapatan sa lupa sa Bukidnon, matapos mapilitang manirahan sa gilid ng kalsada. 

Pinalayas umano sila sa lupang ipinamana sa kanila.

Isang haciendero umano ang nagpalayas sa kanila na nagsasabing siya ang tunay na may-ari ng lupain. Pinaalis sila sa tulong umano ng private army.

Ayon kay Datu Rolando Anglao, tribal leader ng Manobo Pulangiyon, ang nasabing lupa na isang siglo na nilang inalagaan at dati na rin nilang ginagamit pangkabuhayan, taniman ng makakain, at pinagkukuhanan rin ng tubig.

Tiniyak ng Amnesty International Philippines ang suporta sa laban ng mga katutubo na sa ngayon ay naninirahan sa kahabaan ng highway sa Bukidnon.

Nananawagan sila sa lokal na pamahalaan na gumawa ng agarang aksiyon upang protektahan ang kanilang karapatan.

"Nakakaranas kami ng harrasment inikutan kami ng private army, natatakot kami dahil sa highway kami nakatira," ani Anglao.

Nanawagan rin siya sa administrasyong Marcos na tulungan sila lalo't nare-redtag na rin umano sila.

"Sa ngayon naghahanap kami ng matibay na ebidensya para mabigyan ng hustisya ang ginawa sa Manobo," sabi ni Butch Alano, direktor ng Amnesty International Philippines.

Ipagdiriwang ang National Indigenous Peoples Month sa Oktubre.