PatrolPH

Magsasaka arestado dahil sa tanim na marijuana sa Nueva Vizcaya

ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2022 05:08 AM

Hinuli ng mga pulis ang isang magsasaka sa bayan ng Quezon, Nueva Vizcaya matapos umano makumpisakahan ng pananim na marijuana noong Miyerkoles.

Ayon kay Police Capt. Fernando Bag-ayan, hepe ng Quezon Police, nagpapatrolya kontra ilegal na sugal ang kaniyang tropa nang may lumapit sa kanilang isang impormanteng nagsabing may nakatanim na marijuana sa isang lote.

Agad pinuntahan ng mga pulis ang nasabing taniman sa Sitio Jackpatan, Brgy. Bonifacio kung saan naabutan umano nila ang 32-anyos na magsasaka habang naglalagay ito ng pangsuporta sa isang full-grown marijuana plant.

“Ang sabi ng suspek, galing sa Tinoc, Ifugao ang punla ng marijuana na naihalo sa mga punla ng sili. Marami raw ‘yan noon pero isa lang daw ang nabuhay," sabi ni Bag-ayan.

Depensa pa umano ng suspek na ginagamit lang umano niya ang dahon ng marijuana bilang tsaa.

Nasa siyam na talampakan ang taas ng tanim na marijuana na agad binunot ng mga pulis. Tinatayang nagkakahalaga ang nakumpiskang marijuana plant ng P2,000.

Sinampahan ang suspek ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. – Ulat ni Harris Julio

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.