High-value target, kasama timbog sa buy-bust sa Maynila; P361-K halaga ng shabu nasabat

ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2020 07:20 AM

MAYNILA - Timbog ang dalawang lalaki, kabilang na ang isang tinaguriang high-value target, sa isang buy-bust operation sa Maynila nitong Martes. 

Ayon sa Manila Police District, nagsagawa ng operasyon ang Sta. Ana Police drug enforcement unit sa sa Barangay 770 at target nila ang isang 36-anyos na construction worker na nasa drugs watchlist. 

Pagkatapos bentahan ng suspek ang police poseur buyer, agad siyang inaresto. Hinuli rin ang kasamahan niyang 23-anyos na lalaki na nasa watchlist rin. 

Nakuha sa kanila ang mga sachet puno ng hinihinalang shabu na may bigat na 53 gramo at nagkakahalaga ng P361,000. 

May nakuha rin baril na may mga bala mula sa mga suspek, na ngayo'y nasa custodiya na ng mga awtoridad.--Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.