PatrolPH

Halos 2,000 OFW na may kontrata sa Hong Kong di makaalis

ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2020 07:49 PM

Watch more on iWantTFC

Apat na taong household service worker (HSW) sa Singapore si Joanne Embarque.

Nang makauwi, nag-apply siya sa Hong Kong at nakaalis sana noong Hunyo, pero hindi siya nakakuha ng certificate mula sa Technical Education and Skills Development Authority (Tesda).

Kaya imbes na sumasahod na, dusa umano ang inaabot ngayon ng pamilya ni Embarque, lalo na ng amang may iniindang sakit at kapansanan.

"Hindi ko na po natutustusan 'yong pambili ng gamot ng tatay ko... Sa araw-araw namin sa pagkain, sobrang hirap," ani Embarque.

Gusto ring magtrabaho sa Hong Kong para sa kaniyang anak ang tinderang si Jane Silvano na taga-Davao City.

Ayon sa Society of Hong Kong Accredited Recruiters of the Philippines (SHARP), halos 2,000 ang mga katulad nina Embarque at Silvano na mayroon nang kontrata, visa at dumaan sa Tesda training.

Pero hindi umano sila nabigyan ng Tesda assessment at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) seminar certificate kaya hindi makaalis.

Isinara raw kasi ang assessment centers mula noong Marso samantalang kamakailan lang ginawang online ang OWWA seminar.

"Gusto nating matulungan 'yong mga workers kasi sayang naman 8 buwan nang nawawala 'yong dapat nilang kinita at maitulong sa pamilya nila," ani SHARP President Alfredo Palmiery.

Nasa P30,000 ang starting salary ng mga HSW sa Hong Kong, na mayroon pang P7,000 meal allowance.

Natatakot ang SHARP na magkansela ng kontrata ang mga employer, lalo't nag-e-expire na rin ang visa ng mga aplikante.

Nanghihinayang ang grupo dahil ayon naman sa Philippine Overseas Employment Administration ay siniguro naman ng Tesda na bubuksan ang assessment centers sa mga lugar na nasa modified general community quarantine.

Pero hindi puwedeng tanggalin ang requirements ng Tesda at OWWA, lalo sa mga new hire o bagong kuhang manggagawa.

"Isa kasi 'yon sa importanteng requirement to be able to know na 'yong domestic worker complied with the proper training," ani POEA Administrator Bernard Olalia.

Ayon naman sa SHARP, sana ay pagbigyan na ang mga dati nang nabigyan ng Tesda certificate. 

Hiningan ng ABS-CBN ng pahayag ang Tesda pero gusto muna ng ahensiya na alamin kung ano ang sitwasyon sa lugar nina Embarque at Silvano para malaman kung bakit hindi pa rin sila makakuha ng assessment.

Tiniyak naman ni Olalia na mayroon nang mga green lane o express lane para mas mabilis na makapagproseso ng mga dokumento ang mga OFW. -- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.