Huling araw ng voter's registration dinagsa kahit halalan balak ipagpaliban

ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2019 04:54 PM

Panukalang batas na layong ipagpaliban ang 2020 barangay at Sangguniang Kabataan, lusot sa Senado

Dumagsa sa mga tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) ngayong Lunes, huling araw ng registration, ang mga taong nais magparehistro bilang botante para sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Mayo 2020.

Ito ay sa kabila ng mga hakbang ng ilang mambabatas na ipagpaliban ang halalan.

Sa Arroceros, Maynila, sa dami ng tao ay umabot hanggang sa labas ng tanggapan ng Comelec ang pila ng mga gustong magparehistro.

"'Di ko alam na ganyan karaming tao, may inaasikaso pa akong kapatid ko sa ospital," sabi ng nagparehistrong senior citizen na si Julieta Ramos Honrado.

"Sana dagdagan ang namamahala... damihan nila para naman umusad agad-agad ang pumipila," sabi naman ni Ligaya Guzman.

Mahabang pila rin ang eksena sa Bacolod City.

Ikinuwento ng ilang nagparehistro na hindi nila alam na nag-umpisa na ang voter registration kaya ngayong Lunes sila naghabol.

Ilan sa mga pumila ay sinumpong ng hika dahil sa init.

Sa isang mall naman sa Davao City, nagdala ng mga bagong pagkain ang mga residente sa Barangay Bantol para hindi magutom habang naghihintay sa pila sa voter registration.

PANUKALANG IPAGPALIBAN ANG HALALAN, OK SA SENADO

Sa Senado, lumusot ngayong Lunes sa huli at ikatlong pagbasa ang panukalang batas na layong ipagpaliban ang barangay at SK elections.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1043, na naaprubahan sa botong 21-2, idaraos sa Disyembre 2022 ang halalan sa halip na Mayo ng susunod na taon.

Gagawin na rin ang barangay at SK elections matapos ang kada 3 taon.

Mananatili rin muna sa puwesto ang mga kasalukuyang barangay official habang walang naitatalagang mga bagong opisyal.

-- May ulat nina Johnson Manabat, Willard Cheng at Robert Mano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.