2 patay, 32 sugatan sa riot sa Manila jail

ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2019 12:35 PM | Updated as of Sep 30 2019 07:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dalawang preso ang namatay habang 32 iba pa ang nasugatan matapos magka-riot sa Manila City Jail noong Linggo.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga nasawi bilang sina Lito Escala, 39, at Alvin Royo, 37.

Sa 34 na nasaktan sa riot, 9, kabilang ang 2 nasawi, ang itinakbo sa Jose Reyes Memorial Medical Center habang ang iba ay ginamot sa infirmary unit ng kulungan.

Ang gulo ay nangyari bandang alas-6:30 ng umaga sa Dorm 11 at 12 ng kulungan, at kinasangkutan ng mga miyembro ng Batang City Jail at Sputnik Gang, ayon sa tagapagsalita ng kulungan na si Jail Senior Inspector Jayrex Bustinera.

Nag-ugat ang gulo sa sagian na nauwi sa kampihan ng mga miyembro ng 2 gang, ayon kay Bustinera at base na rin sa imbestigasyon ng Manila Police District (MPD) Homicide Division.

May persons of interest na kaugnay sa nangyari, ayon kay Bustinera.

Tiniyak ng pamunuan ng Manila City Jail na magkakaroon ng malalim na imbestigasyon sa rambol.

Mula noong Linggo, naka-lockdown ang kulungan at bawal muna ang bisita. Hindi rin pinalalabas sa mga selda ang mga preso. -- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.