Work permit ng mga dayuhang nagtatrabaho sa PH, pinasisilip

ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2018 07:41 PM

Watch more in iWantTFC

Iniimbestigahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga permit na naibigay sa mga banyagang nagtatrabaho ngayon sa Pilipinas, sabi ng kalihim ng kagawaran.

Dahil umano ito sa pangambang baka naaagawan pa ang mga Pinoy ng mga oportunidad sa trabaho sa sarili nilang bansa, na nabanggit sa budget hearing ng DOLE sa Senado noong Setyembre 19.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, iniutos na niya ang pag-review sa lahat ng employment permit sa mga dayuhan at ang pagkansela sa mga hindi sumunod sa pamantayan ng DOLE.

"Ang binibigyan lang namin ng permit to work ay iyong magtatrabaho ng isang klaseng trabaho na hindi kaya ng Pilipino," ani Bello.

Pero nilinaw din ni Bello na maliban sa kanila, marami pang ahensiya ng pamahalaan ang nagbibigay ng employment permit sa mga dayuhan.

Aminado rin ang DOLE na posibleng maraming banyaga ang nagtatrabaho sa Pilipinas nang walang work permit.

Aabot sa 115,000 ang bilang ng mga alien employment permit na inilabas ng DOLE mula 2015. Nasa 51,980 dito ang napunta sa mga Chinese.

Pero mas marami ang bilang na nabanggit ni Sen. Franklin Drilon sa pagdinig ng Senado.

"In Metro Manila alone, there are 400,000," ani Drilon.

Ayon naman sa grupong Kilusang Mayo Uno (KMU), hindi dapat maagawan ng trabaho ang mga Pilipino sa sariling bansa.

"Napakalaki ng bilang ng walang hanapbuhay dito sa Pilipinas," ani KMU vice chairperson Lito Ustarez.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.