Paghuhukay para sa mga nabaon sa Itogon landslide, itinigil na

ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2018 06:58 PM | Updated as of Sep 30 2018 07:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA -- Itinigil na nitong Linggo ng tanghali ang retrieval operation o iyong paghuhukay para sa mga natabunan o maaaring nabaon sa ilalim ng gumuhong lupa sa Barangay Ucab sa Itogon, Benguet.

Kinumpirma ni Itogon Mayor Victorio Palangdan ang pagtigil sa operasyon sa Barangay Ucab, kung saan natabunan ang dalawang bunkhouse ng mga small-scale miner, isang maliit na simbahan, at ilang barong-barong sa kasagsagan ng bagyong Ompong.

Ayon sa incident commander na si Brigadier General Leopoldo Imbang, may mataas na posibilidad na wala nang makuhang bangkay sa ground zero.

Nasilip na din ang bunkhouse at tunnel kung saan posibleng nagtago ang mga biktima.

Nasa tatlo na lang ang bilang ng mga nawawala habang 61 bangkay ang nakuha sa ilang linggong paghuhukay, ayon sa mga awtoridad.

Ayon naman sa Management of the Dead and the Missing Persons, nagsumite na ng DNA sample at fingerprint ang mga kaanak ng mga nawawala para mai-match sa mga parte ng katawang narekober noong mga nakaraang araw.

Inihayag naman ng kaanak ng ibang biktima ng pagguho na masakit para sa kanila ang pagtigil sa retrieval operation.

Nais lang daw nilang mabigyan ng maayos na libing ang kanilang mga mahal sa buhay.

Nilinaw naman ni Palangdan na agad silang maghuhukay kapag may natanggap na ulat na may nakita o naamoy na bangkay sa Itogon.

Bukod sa tatlong nawawala sa Barangay Ucab, may anim pang nawawala sa ibang landslide area sa Itogon.

--Ulat ni Michelle Soriano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.